
Agad inaksiyunan nang Supreme Court (SC) ang Very Urgent Motion for Reconsideration na unang inihain ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida na humihirit na mapawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Ayon kay SC spokesman Atty. Brian Hosaka, matapos ang en banc session ngayong araw, nagdesisyon ang mga mahistrado ng SC na bigyan na ng pagkakaton ang respondent sa petisyon ni Calida o ang ABS-CBN na maghain ng komento sa loob ng 10 araw.
Kasama sa pinagkokomento ng SC sa Calida quo warranto petition ang subsidiary ng network na ABS-CBN Convergence Inc.
“Acting on the Quo Warranto Petition filed by Solicitor General Calida in behalf of the Republic against respondents ABS CBN Corp. and ABS CBN Convergence Inc., the Supreme Court in today’s En Banc session, required the respondents to file their comment to the said petition for Quo Warranto within a non-extendible period of 10 days from receipt of notice,” ani Hosaka.
Una rito, samu’t sari ngang paglabag ang inilatag ni Calida sa kanyang quo warranto petition laban sa ABS-CBN Corporation at kanilang subsidiary.
Kabilang umano dito ang pang-aabuso sa privilege na ibinigay ng estado nang ilunsad nito at nag-operate ng pay-per-view channel sa ABS-CBN TV Plus at KBO Channel na walang approval o permit mula sa National Telecommunications Commission.
Gaya rin umano ng Rappler, nag-isyu rin ang ABS-CBN ng Philippine Deposit Receipts
(PDRs) sa pamamagitan ng ABS-CBN Holdings Corporation sa mga foreigners na isang uri sa paglabag sa foreign ownership restriction sa mass media.
Maging ang ABS-CBN Convergence, Inc. na dati umanong Multi-Media Telephony, Inc. ay nag-resort din daw sa ingenious corporate layering scheme para ilipat ang franchise na walang Congressional approval.
Bigo rin umano silang ilabas ang anumang outstanding capital stock sa securities exchange sa bansa sa loob ng limang taon.
Maliban dito, hinahayaan din umano ng korporasyon ang mga foreign investors na makibahagi sa ownership ng Philippine mass media entity na paglabag sa foreign interest na nasa ilalim ng Section 11, Article XVI ng Philippine Constitution.
Pero ayon sa ABS-CBN, otorisado ng National Telecommunication s Commission (NTC) ang paggamit ng ABS-CBN ng conditional access system software na ginagamit nito sa pay-per-view.
Wala ring sinasabi ang prangkisa ng ABS-CBN na bawal itong mag pay-per-view.
Maliban dito, mayroon din umanong certificate of good standing ang ABS-CBN TV Plus sa NTC noong 2019.
















