Muling nakapagtala ang pulisya sa Abra ng panibagong shooting incident kung saan isa ang kumpirmadong nasawi habang isa ang sugatan at patuloy na nagpapagaling sa pagamutan.
Batay sa report ng Abra Police Provincial Office, ang nasawi ay kinilalang si Jay-Ar Tanura, 27 anyos, habang ang sugatan ay kinilalang si Jordan Claustro Barcena.
Ayon kay Abra Provincial Director, Col. Froilan Lopez, kasalukuyan ang pangangampaniya ng team ng mayoral aspirant na si Kathia Alcantara sa Barangay Budac noong mangyari ang panibagong insidente ng barilan.
Bagaman hindi pa natutukoy ang tunay na dahilan ng barilan, na-recover ng mga otoridad ang dalawang baril sa pinangyarihan ng krimen habang isang suspek na ang naaresto sa isinagawang pursuit operation.
Ngayong taon ay ilang serye ng gun violence na ang naitala sa iba’t-ibang lugar sa naturang probinsya kung saan sa mula Enero hanggang sa pagpasok ng Abril ay hanggang 20 pamamaril na ang naitala rito.
Una na ring nagbabala si Commission on Elections chairman George Erwin Garcia ukol sa posibilidad na pagsasailalim sa Comelec control sa naturang probinsya, dahil sa walang tigil na karahasan.
Sa ngayon, ilang kandidato at pulitiko na rin ang binawian ng buhay dahil sa mga serye ng pamamaril.