-- Advertisements --

Nanawagan ang kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice (DOJ) na ibasura ang reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanyang abogado na si Atty. Caroline Cruz at sa iba pang respondent kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon sa legal counsel ni Cruz na si Atty. Isabella Sabio, walang sapat na batayang legal ang naturang reklamo at mali rin daw ang mga alegasyong inihain laban sa kanyang kliyente.

Paliwanag pa ng abogado na ang pakikipagpulong ni Atty. Cruz sa ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero noong Marso at Abril ay isinagawa basae sa kahilingan ng mga ito.

Aniya, nagbigay lamang umano si Atty. Cruz ng tulong-pinansyal sa ilang pamilya upang makatulong sa kanilang pamasahe at pagkain, at iginiit na kusang-loob itong ibinigay at walang anumang kapalit.

Dagdag pa ni Sabio, ilalahad ng kanyang kliyente sa tamang panahon ang mga ebidensya at testimonya ng mga saksi upang ipaliwanag ang tunay na dahilan ng pakikipag-ugnayan sa kanya ng tatlong complainant.