Malaki umano ang posibilidad na mailabas na ng Department of Justice (DoJ) ngayong Enero ang resolusyon laban sa mga akusadong isinangkot sa P1.8 billion na halaga ng shabu na ipinuslit sa Bureau of Customs (BoC).
Magugunitang partikular sa kinasuhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa DoJ si Zhijian Xu alyas Jacky Co na sinasabing sangkot sa 276 kilos ng shabu na nakalagay sa 40 footer container van na idineklarang plastic resin pero nasabat sa Manila International Container Port (MICP) noong March 22 nang nagdaang taon.
Samantala maliban kay Co ay kabilang din sa mga sinampahan ng kaso sina Dong An Dong, Julie Hao Gamboa at 15 iba pa.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa mga opisyal at directors ng Wealth Lotus Empire Corporation and Fortune Yield Cargo Services na tumayong consignee ay
paglabag sa Section 4 na may kaugnayan sa Section 31 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Base sa impormasyon, dalawa sa tatlong piskal na miyembro ng panel of prosecutors ang lumagda na sa desisyon at nakatakda namang lumagda ang isa pa pati si Justice Secretary Menardo Guevarra para pormal nang maisapubliko o mailabas ang kopya ng resolusyon.