-- Advertisements --
image 95

Tiniyak ng Israeli government na kanilang aayusin ang gusot sa Pilipinas kaugnay sa labor concerns ng mga Filipino domestic workers.

Ayon kay Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, ang hakbang na ito ng Israel ay kasunod ng pansamantalang pagbabawal ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ng Filipino caregivers sa naturang bansa simula noong Oktubre ng nakalipas na taon dahil sa mga hamon sa batas ng Israel at regulasyon ng Pilipinas.

Hindi naman idinetalye pa ng Israeli envoy kung anong partikular na batas at regulasyon ng Israel at Pilipinas ang mayroong conflict subalit base sa ilang mga concern ng Filipino cregivers isa dito ang tinatawag na “basket of services” o sahod at benefit package na dapat nilang natatanggap sa Israel.

Hindi kasi tulad ng ibang manggagawang Pilipino sa Israel gaya ng hotel workers na na-hire ng mga kompaniya o institusyon, ang mga Filipino caregiver ay na-hire lamang ng mga indibidwal.

Sa kabila nito, tiniyak ng Israeli envoy sa Pilipinas nakikipag-ugnayan na sila sa mga concerned agencies sa kanilang bansa para maayos ang mga isyu.

Sa oras aniya na matapos ang technical discussions muling papayagan agad ang deployment ng mga Filipino.

Sa kabila ng naturang isyu, nagpahayag pa rin ng interes ang Israel sa Filipino workers dahil sa pagkakapareho sa kultura at historical ties na mayroon ang dalawang bansa.

Sa kasalukuyan mayroong kabuuang 300,000 Pilipinong caregivers ang nasa Israel na katumbas ng 40% ng kabuuang bilang ng caregivers sa naturang bansa.