
Tiwala ang Bureau of Immigration (BI) na makakatulong ang panukalang batas na modernisasyon ng bureau o ang Modernization Act Bill para sa kanilang kampanya kontra sa talamak na human trafficking.
Ayon kay Immigration Deputy Spokesperson Melvin Mabulac makakatulong ang Modernization Act Bill para masalang mabuti ang mga banyagang papasok sa borders ng Pilipinas.
Base kasi sa bersyong panukala ng Kamara, maliban sa international airports at seaports, minamandato ang border control checkpoints na dapat babantayan ng immigration officers na itinalaga bilang border control officers ng BI commissioner.
Nakasaad din sa panukala na dapat nakalagay sa specific areas ang border control checkpoints.
Ayon sa BI official ang mga maituturing na banta ay hindi papayagang makapasok sa ating bansa.
Asahan naman aniya ng mga lehitimong biyahero ang mas mabilis at mas magandang serbisyo sa ilalim ng modernisasyon ng bureau.
Kung magugunita naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang Modernization Act Bill noong Mayo 29 ng kasalukuyang taon.










