-- Advertisements --

May kabuuang 157 na mga motorista sa buong bansa ang unang nairehistro sa e-ticketing system dahil sa paglabag sa batas trapiko sa unang araw ng pagpapatupad nito ng Land Transportation Office (LTO).

Batay sa datos ng Land Transportation Office o LTO, ang Region 4A ang may pinakamaraming bilang ng mga nahuli na may 37, sinundan ng Cordillera Administrative Region na may 29, Metro Manila na may 28, at Northern Mindanao na may 27.

May kabuuang 17 motorista ang nahuli sa Cagayan Valley Region, 11 sa Zamboanga Peninsula Region at walo sa Western Visayas.

Kaugnay niyan, ayon kay LTO chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade, ang Law Enforcement Handheld Mobile Device ay bahagi ng digital shift na naglalayong tugunan ang mga issue sa corruption gamit ang lumang sistema sa panghuhuli dahil hindi na mababago ng traffic enforcer ang paglabag kapag nakapasok na ito sa bagong e-ticketing system.

Aniya, ang handheld mobile device na ipapamahagi sa mga enforcer ay may kakayahang matukoy kung peke ang driver’s license na ipinakita ng isang motorista.

Una na rito, mahigpit na nagpaalala ang LTO na mag-ingat pa rin sa pagmamaneho at marapat na sumunod sa mga alituntunin ng batas trapiko upang makaiwas sa anumang posibleng mangyaring aberya.