Sasamantalahin ng Philippine National Police ang nararanasang sitwasyon ngayon ng Communist Party of the Philippines New People’s Army kasunod ng pagyao ng lider nito na si Jose Maria Sison.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. target ngayon ng pulisya na palakasin pa ang kanilang kampanya laban insurgency sa Pilipinas.
Batay kasi aniya sa mga impormasyong kanilang nakalap, nagdulot ng breakdown communication sa mga miyembro ng nasabing rebeldeng grupo ang kawalan nito ng liderato nang dahil sa pagkamatay ni Sison.
Aniya, dahil dito ay sasamantalahin ng pinagsanib puwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines ang pagsugpo sa inserhensya sa bansa nang dahil na rin sa layunin nitong mahimok ang mga miyembro nito na magbalik loob sa pamahalaan na alinsunod din sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pagkakaisa.
Samantala, kaugnay nito ay iniulat din ni Azurin na mula noong Disyembre ng nakalipas na taon hanggang sa ngayon ay wala pa namang naitatalang anumang kalupitan at karahasan ang Pambansang Pulisya na may kaugnayan sa CPP-NPA.