Plano ng pamahalaan na maging pribado ang operasyon ng EDSA Carousel service sa taong 2023.
Ginawa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang naturang pahayag kasabay ng pagbubukas ng bagong bus stop para sa EDSA Bus Carousel sa tramo sa lungsod ng Pasay.
Noong Setye,bre, ipinag-utos ng DOTr official ang pag-aaral sa posibilidad ng privatization ng EDSA Bus Carousel.
Layunin aniya ng naturang pag-aaral na matukoy ang mga bentahe ng pagbibigay ng busway system operations sa pribadong sektor.
Dagdag pa nito na kailangang pag-aralan ang privatization ng EDSA Bus Carousel dahil saklaw dito ang maraming components gaya ng bus units at infrastructures na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng iba pang ahensiya.
Nang matanong naman ang opisyal kung magkakaraon ng taas singil sa pamasahe, sinabi ng DOTr na ito ay masusing babantayan at nasa hurisdiksiyon na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa DOTr, nasa kabuuang 320,000 hanggang 390,000 mga pasahero ang siniserbisyuhan ng EDSA Bus carousel.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagbibigay ng libreng sakay program na nakatakdang magpaso sa katapusan ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
















