
Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga pharmaceutical company na ireport ang nalalaman sa umano’y anomaliya sa Food and Drugs Administration (FDA) at magpresenta ng ebidensiya sa anumang iligal na gawain.
Nangako si DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire para sa agarang pagsasagawa ng imbestigasyon sa oras na maisumite na sa DOH ang ebidensiya sa iligal na gawain kaugnay sa FDA.
Bukas ang kanilang tanggapan para matugunan ang ganitong uri ng mga isyu.
Umapela din ang ahensiya sa mga magsusumite ng ebidensiya na idirekta ito sa Office of the Secretary ng Health department upang maimbestigahan at mabigyan ng kaukulang aksiyon laban sa mga lumabag.
Ginawa ni Vergeire ang naturang pahayag kasunod ng claims ni Senator Raffy Tilfo na umano’y katiwalian sa FDA.
Sa Senate deliberation sa pondo ng DOH noong Nobiyembre 18, sinabi ng Senador na ilang opisyal ng FDA ang umano’y humingi ng P5 million hanggang P20 million na halaga ng pera mula sa pharmaceutical companies para mapabilis ang pagproseso para sa Certificate of product registration (CPR) sa kanilang produkto.










