-- Advertisements --

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na dadaan pa rin sa normal na pagsusuri ang bakuna ng Russia laban sa COVID-19, kapag dumating na sa Pilipinas.

Ayon kay FDA OIC Rolando Enrique Domingo, may standard procedure sila sa mga pumapasok na gamot, vitamins, pagkain o kahit anong nasa food grade, katulad ng mga sangkap sa pagluluto at iba pang katulad nito.

Ayon kay Domingo, kailangan lamang na malinaw kung para sa mga anong klasipikasyon maaaring magamit ang bakuna, lalo na sa edad at kung may komplikasyon sa ilang sakit at mga iniinom na gamot.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda siyang unang maturukan ng Russian vaccine na Sputnik V, bilang pagpapakita ng suporta sa mga ekspertong nakatuklas ng nasabing bakuna.

Pero hindi sang-ayon sa planong ito ang vaccinologist na si Iloilo Rep. Janette Garin, dahil maselan na umano ang kalusugan ng sinumang nasa “senior age” para sumubok ng ganitong produkto.

Sa panuntunan ng World Health Organization (WHO), hindi basta pinahihintulutang maturukan ng bakuna ang isang senior citizen o high risk sa sakit.