
Binuksan na ng Office of the Vice President (OVP) ang ikalawa nitong temporary shelter para sa mga health frontliners ng COVID-19.
Nitong araw nang pormal na iturn over ng OVP at mga partners nito mula sa Angat Buhay program, ang ikalawang “The Oasis Project’ site sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.
“Layon ng The Oasis Project na matulungan ang frontliners sa pamamagitan ng maayos at maaliwalas na pahingahan, sa panahong mas mabigat ang kanilang responsibilidad dahil sa COVID-19.”
Kung maaalala, unang binuksan ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo at partners mula sa pribadong sektor, ang unang site ng proyekto sa Lung Center of the Philippines.
Ang pagtatayo ng OVP sa bagong temporary shelters ay bunsod ng pagbabalik operasyon ng mga apartment at pasilidad na ginamit noon ng tanggapan bilang dormitoryo para sa frontliners.
Bukod sa pansamantalang tirahan ng COVID-19 frontliners, iba’t-ibang programa na rin ang sinimulan at patuloy na ipinapatupad ng OVP bilang responde sa pandemya.
Kabilang sa mga naging inisyatibo ng tanggapan ang:
-Distribusyon ng P53-milyong halaga ng personal protective equipment — mula sa abroad at local manufacturers — sa frontliners;
-Halos P8-milyong halaga ng food and care packages
-Pamimigay ng medical supplies sa mga ospital at iba pang institusyon
-Dormitoryo at libreng haircut service sa frontliners
-Shuttle service at pagbili ng COVID-19 test kits
-P12-milyong halagang tulong sa mga komunidad
-Paghahatid sa mga locally stranded individuals
-Paglulunsad ng community mart sa Pasig at Quezon City
-Donation drive para mamahagi ng gadget at equipment sa magbabalik eskwela; at pagtatayo ng learning hubs.
Ang pondong ginamit sa nasabing mga insyatibo ay mula sa nalikom ng donation drive ng OVP at naunang inilaan na budget ng tanggapan.
Kabilang sa naging partner ng tanggapan ni VP Leni sa pagtatayo ng ikalawang temporary shelter ang: Rotary Club of San Juan del Monte; IKEA Philippines; Architect Peach Buencamino; interior designers Ivy at Cynthia Almario; Shirley Sanders ng Gardens by Sanders; Ronnie Traballo ng Bomanite; Elizabeth Cheng; Nippon Paint; ang 51st Engineering Brigade ng Philippine Army, at ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines; Matrix Appliances PH; Philip at Sherwin Yao ng Graceline Furniture; Aboitiz Foundation; Pangilinan Fabric and Leather Supply; Emmanuel Go ng Zendaya; Majie, Mhay, Alaine at Queenie ng CCBA KAMATIS; at Tin Bejar, Gel Bejar, at Marie Catalan.










