CENTRAL MINDANAO – Nakubkob ng militar ang imbakan ng mga bomba ng mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief, Maj. Gen. Diosdado Carreon na nadiskubre ng Joint Task Force Central ang taguan ng mga improvised explosive device (IED) ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Brgy Dasawao, Shariff Saydona, Mustapha, Maguindanao at hangganan ng Pikit, North Cotabato.
Narekober ng mga sundalo ang dalawang IED, mga sangkap sa paggawa ng bomba, mga bala at isang 81mm mortar shell unexploded ordnance.
Nadiskubre ang imbakan ng mga bomba habang tinutugis ng 7th Infantry Battalion Philippine Army at 602nd Brigade ang grupo ni Daurin Manampan alyas Kumander Ex-Marines ng BIFF.
Matatandaan na nakubkob din ng militar ang kampo at pagawaan ng bomba ng BIFF sa Sitio Blah, Brgy Manaulanan, Pikit, North Cotabato.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang focused military operation ng Joint Task Force Central laban sa Dawlah Islamiya terror group ng BIFF sa Maguindanao at North Cotabato.










