Mayroon nang binubuong protocol ang Philippine Navy kaugnay ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsita sa foreign vessels na dumadaan sa karagatan ng bansa nang walang clearance.
Ito ang inamin ni Phil. Navy flag officer-in-command VADM Robert Empedrad kung saan sinabi nito na nasa proseso na sila ng pagbuo ng rules of engagement sa mga barkong hindi humihingi ng clearance.
Ayon kay Empedrad hindi naman magiging agresibo ang kanilang aksiyon sa mga barkong hindi nagpapasintabi.
Mahigpit lang daw nila na tututukan ang mga barkong di nagpapaalam at pinapatay ang kanilang Automatic Idnetification System (AIS).
Ito ay sa pamamagitan umano ng paggamit ng Littoral Monitoring Stations sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Empedrad na sa ngayon target muna nilang i-shadow at hamunin ang nasabing mga barko.
Tiniyak din nitong hindi mauuwi sa armed confrontation ang kanilang hakbang, gayundin na hindi sisitahin ang mga barkong mapapatunayan na dumaan sa bisa ng innocent passage.










