-- Advertisements --

Maglalabas ang Social Security System (SSS) ng tinatayang ₱45.26 bilyon para sa 13th-month pension at pensiyon para sa Disyembre 2026 na mapapakinabangan ng mahigit 4.1 milyong pensiyonado simula Disyembre 1.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Victor Alfonso Limlingan, isasagawa ang pamamahagi ng mga pensiyon sa dalawang batch:

Disyembre 1 – Tinatayang 2.39 milyong pensiyonado ang makatatanggap ng kanilang benepisyo.

Disyembre 4 – Susunod namang makatatanggap ang humigit-kumulang 1.70 milyong pensiyonado.

Sa kabuuan, mahigit 4.1 milyong pensiyonado ang makikinabang sa nasabing ₱45.26 bilyong pondo.

Sinabi ni Limlingan na ang karagdagang benepisyong ito ay paraan ng SSS upang masuklian ang mga pensiyonado sa kanilang mga naging kontribusyon noong sila ay nagtatrabaho pa.

Umaasa rin siya na makatutulong ang pondong matatanggap ng mga pensiyonado upang maibsan ang kanilang mga gastusin at makapaghatid ng kasiyahan sa kanila at sa kanilang mga pamilya ngayong panahon ng kapaskuhan.