Iginiit ng ekonomistang si Professor Emmanuel Leyco na ang pagbabayad ng buwis ang nagsisilbi nang ambag ng mga Pilipino upang makatulong sa pagbabayad ng utang ng pamahalaan.
Sinabi ni Leyco na maaari namang magbigay ng karagdagang donasyon ang mga may kakayahan, ngunit wala umanong malinaw na mekanismo para rito maliban sa pagbabayad ng buwis o direktang pagdo-donate sa gobyerno.
Ito ay kasunod ng mungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na payagan ang mga Pilipino na boluntaryong mag-ambag ng tig-P170,000 upang makatulong sa pagbabayad ng P19.66-trilyong utang ng bansa.
Gayunman, sinabi ni Leyco na hindi makatotohanan ang naturang halaga para sa karaniwang manggagawa na kumikita lamang ng minimum wage. Aniya, halos katumbas na ito ng taunang kita ng isang minimum wage earner.
Nilinaw naman ni Cayetano na hindi niya layong magdagdag ng pinansiyal na pasanin sa publiko o ipasa sa mga mamamayan ang responsibilidad ng pamahalaan sa pagbabayad ng utang.















