-- Advertisements --

Nakaiwas sa posibleng banggaan ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos itong lapitan nang mapanganib ng isang Chinese maritime militia vessel sa karagatan malapit sa Panata Island sa Kalayaan Island Group noong Nobyembre 23.

Ayon sa PCG, sinita at inatasan ng mga tauhan nito ang dalawang barkong Tsino na umalis matapos mamataang ilegal na nakadaong sa loob ng teritoryal na katubigan ng Pilipinas.

Sa halip na lumayo, mabilis na nagtungo ang isa sa mga barko sa gilid ng BRP Cabra at lumapit hanggang 200 yarda, dahilan upang magsagawa ng maniobra ang barko ng Pilipinas upang maiwasan ang banggaan.

Tinangka rin nitong lapitan ang rubber boat na may sakay na walong tauhan ng PCG, ngunit ligtas na nakaiwas ang mga ito. wala namang naiulat na nasugatan o napinsala.

Binigyang-diin ng PCG na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at operasyon sa Kalayaan Island Group sa kabila ng mga insidente sa karagatan ng Pilipinas.