-- Advertisements --

Patuloy na tumataas ang antas ng tubig sa Ilog Cagayan bunsod ng mga pag-ulang dulot ng shear line mula noong Sabado, Nobyembre 21.

Batay sa monitoring ng Tuguegarao City Command Center, umabot na sa 5.8 metro ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge dakong alas-2:00 ng madaling-araw ngayong Nobyembre 24.

Dahil dito, hindi na madaanan ang ilang bahagi ng Pinacanauan Avenue, kabilang ang Riverbank, Bonifacio Street sa Centro 1, at Eco Park sa Centro 10, bunsod ng pag-apaw ng Pinacanauan River.

Samantala, sarado rin sa mga motorista ang ilang tulay sa Baggao, Cagayan, kabilang ang Bagunot, Taytay, Musimoc, Annayatan, at Hacienda Asinga.

Ilang sakahan, partikular ang mga taniman ng mais, ang nalubog din sa baha na ikinabahala ng mga magsasakang umaasang maiiwasan ang pinsala sa kanilang pananim matapos magtanim nang mas maaga.

Mahigpit namang binabantayan ng mga awtoridad ang mga ilog at mabababang lugar sa Cagayan at Isabela dahil sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at iwasang tawirin ang mga binahang kalsada at tulay.

Agad ding makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung kinakailangan ang paglikas.