Ipinag-utos ng Office of the Special Prosecutors sa Sandiganbayan Third Division na alisin na si Felicito Guevarra bilang kapwa akusado ni dating House Speaker Martin Romualdez mula sa P7.4-billion plunder case matapos ang pagsuko nito noong nakaraang linggo.
Noong nakaraang Biyernes, inanunsyo ng Ombudsman ang pagsuko ni Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos kanselahin ang kanyang pasaporte.
Si Guevarra ay Presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp,. ang kumpanyang sinasabing ginamit umano upang ipasa ang mga umano’y kickback mula sa mga proyekto sa imprastraktura patungo sa mga itinalagang benepisyaryo na tinukoy ni Romualdez.
Kinumpirma naman ng Office of the Ombudsman na ibinalik ni Felicito Guevarra ang P343 milyon na umano’y kinita niya mula sa mga transaksyon na may kaugnayan kay Romualdez.
Bukod pa dito, humiling din ang prosekusyon sa korte na magkaroon ng kapalitan na witness sa bail hearing ni Romualdez. Kabilang na dito ang pagpapalit ni Guevarra kay DPWH Secretary Bonoan bilang testigo.
Sinabi rin ng Ombudsman na ipinagkaloob nila kay Guevarra ang conditional immunity sa ilalim ng Section 17 ng Republic Act no. 6770.
Humiling din ang Office of the Ombudsman ng patuloy na i-detain sa NBI detention facility si Guevarra, dahil umano sa maaaring banta sa kanyang buhay ayon kay Special Prosecutor Omar Sagadal.
Sa naging bail hearing ngayong Lunes, sinabi ni Sagagal na mapanganib na ilapit umano si Guevarra sa kaparehong detention facility ni Romualdez sa Payatas.
Inalis na rin ng anti-graft court ang kaniyang status bilang pugante. Sa Biyernes, November 27, nakatakda ang kanyang arraignment.















