Apat na katao ang patay matapos ang magkakasunod na pag-atake ng drones malapit sa kabisera ng Sudan sa Khartoum nitong Linggo, Nobyembre 22.
Galing umano ang mga naturang drone sa Rapid Support Forces (RSF) ng paramilitar ng Sudan na tumama sa isang residential area kung saan napinsala rin nito ang isang gusali ng United Nations.
Tatlong pag-atake ng drone ang naitala sa ilang mga lugar, ilang kilometro mula sa Khartoum, ayon sa mga lokal na ulat.
Unang narinig ang mga pagsabog sa Khartoum bandang madaling araw ng Linggo, ayon sa ilang mga saksi, habang sinusubukang harangin ng militar ng Sudan ang mga naturang drone na umano’y sinusubukang i-target ang ilang mga pasilidad at tanggapan ng pamahalaan, katulad ng Khartoum International Airport.
Sumunod namang naitala ang isang pag-atake sa lungsod ng Omdurman, kalapit ng kabisera ng Sudan, kung saan tatlo ang nasawi at siyam ang sugatan matapos tumama ang isang drone sa isang residential area.
Nasawi rin ang isang 10 taong gulang na lalaki sa Jebel Aulia, 45 kilometro mula sa Kharthoum, kung saan tumama ang isa sa mga drone bahay ng isang mosque official.
Napinsala rin ng mga naturang pag-atake ang isang pasilidad ng United Nations habang nasa loob ang mga tauhan nito, ayon sa humanitarian coordinator ng UN na si Denise Brown.
Batay naman sa Sudanese army, galing ang mga naturang drone sa Bahir Dar airport ng Ethiopia kung saan anila nagpapakawala ng drone ang kampo ng RSF.
Mariing tinanggi naman ng Ethopia ang mag paratang ng Sudan na pinapayagan nito ang RSF na magsagawa ng mga pag-atake mula sa kanilang teritoryo.
Kaugnay nito, inakusahan na rin ng pamahalaan ng Sudan ang RSF sa pagpaslang nito sa mga nahuling sundalo sa Blue Nile state, malapit sa hanggangan ng Ethiopia at tinawag itong paglabag sa international humanitarian law.
Samantala, tatlong taon nang nagpapatuloy ang hidwaan ng RSF at militar ng Sudan simula nang sumiklab ito 2023 kung saan binansagan itong isa sa mga pinakamalalang krisis ng humanitarian kung saan 13 milyong katao ang nawalan ng tirahan at ilang rehiyon ang nahaharap sa matinding taggutom.














