-- Advertisements --

Positibo ang Department of Trade and Industry na mapapalawak na ang pagbebenta ng mga lokal na produkto sa Timog-Silangan Asya o Southeast Asia. 

Ayon kay DTI Sec. Ma. Cristina Roque, ito’y maisasakatuparan lalo pa’t sa naganap na Association of Southeast Asian Nations Summit 2026 ay isa ito sa mga natalakay. 

Nagkasundo kasi ang mga miyembrong bansa na lagdaan ang DEFA o Digital Economy Framework Agreement na layon gawin konektado ang rehiyon pagdating sa ‘digital economy’. 

Sa pamamagitan nito, inaasahan mas mapapadali na ang pagbebenta o pakikipagkalakalan ng mga Pilipino sa ibang bansa.  

Kaya’t magiging malawak na aniya ang merkado ng mga nagnenegosyo hindi lamang sa loob ng Pilipinas kundi maging sa Timog-Silangang Asya. 

Ayon sa kalihim, kabilang ang MSME’s o Micro, Small and Medium Enterprises sa mga makikinabang sa kasunduan dahil mapapamura na raw ang pagbebenta ng produkto sa labas ng bansa. 

Kumpara aniya sa pagtatayo pa ng ‘physical store’ sa ‘abroad’ na mahal ang gagastusin, maaari nang makapagbenta gamit ang ‘online platforms’. 

Naniniwala si DTI Sec. Roque na malaki ang potensyal sa ASEAN sapagkat ang populasyon sa rehiyon ay aabot ng higit 600-milyon katao. 

Kaya’t itinuring ‘big win’ para sa Pilipinas at administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang nabanggit na kasunduan.