Patuloy ang pagbibigay ng tulong sa tanggapan ng distrito ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez sa kabila ng kanyang 90-day suspensyon.
Ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list, patuloy na tinatanggap ng tanggapan ang mga humihingi ng tulong para sa gastusin sa ospital, edukasyon at iba pang pangunahing pangangailangan.
Binigyang-diin ni Acidre na hindi dapat maputol ang serbisyo sa mga mamamayan, lalo na sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong pinansyal.
“Ang mahalaga, tuloy-tuloy ang serbisyo sa ating mga kababayan sa Leyte. Hindi dapat maantala ang pagtulong sa mga nangangailangan,” ani Acidre.
Dagdag pa niya, patuloy na tinatanggap ng mga kawani ng tanggapan ang mga kahilingan at nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga residente.
Sakop ng Leyte 1st District ang Tacloban City at mga bayan ng Palo, Tanauan, Tolosa, Santa Fe, Alangalang, Babatngon at San Miguel.
Ayon kay Acidre, maaari pa ring lumapit sa tanggapan ni Romualdez ang mga nangangailangan ng tulong para sa pagpapagamot, pag-aaral at iba pang mahahalagang pangangailangan.
“Hindi dapat tumigil ang pagtulong sa ating mga kababayan. Ang pangangailangan ng mga tao ay araw-araw, kaya dapat araw-araw din ang ating malasakit at serbisyo,” diin ni Acidre.















