-- Advertisements --

Handa umanong humarap si dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa isinasagawang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, sasagutin ng kongresista ang lahat ng alegasyon laban sa kanya ngunit iginiit na ang hinihingi lamang nito ay isang patas na proseso.

Sinabi rin ni Fajardo na walang plano si Romualdez na umalis ng bansa at patuloy nitong ginagampanan ang tungkulin bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Leyte.

Kasabay nito, muling iginiit ng kampo ni Romualdez na walang ebidensyang mag-uugnay sa mambabatas sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Ayon sa abogado, walang naging papel si Romualdez sa pagbuo ng 2025 national budget maliban sa pagpirma rito, at wala rin umano itong kinalaman sa implementasyon ng mga flood control 

project. Aniya, ito rin ang naging isa sa mga natuklasan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).

Kinuwestiyon din ni Fajardo ang kredibilidad ng 18 umano’y “maleta boys” na sinasabing dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na kabilang sa mga testigong posibleng gamitin sa imbestigasyon ng Ombudsman.

Giit niya, walang dapat paniwalaan sa kanilang mga pahayag dahil ang Department of Justice mismo ay naghain na umano ng kasong perjury laban sa mga ito, patunay aniya na nagsinungaling sila sa ilalim ng panunumpa.