-- Advertisements --

MANILA — Mariing itinanggi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang alegasyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may mga “ghost projects” sa Taguig at hinamon itong maglabas ng ebidensya upang patunayan ang akusasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cayetano na ilang ulit nang nasuri ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga proyekto sa Taguig ngunit wala umanong natukoy na ghost projects.

Ayon sa senador, maging ang kanyang tanggapan ay nagsagawa rin ng sariling beripikasyon nang lumabas ang mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.

Aniya, regular nilang sinusuri ang estado ng mga proyekto upang matiyak na natatapos ang mga ito at napopondohan ang mga hindi pa kumpleto.

Ipinaliwanag din ni Cayetano na ang isang “ghost project” ay tumutukoy sa proyektong nabayaran ng gobyerno ngunit wala namang aktuwal na naipatayo o naisagawa.

Kasabay nito, hinimok ni Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, na atasan ang lahat ng district engineers at, kung maaari, maging ang mga local government units (LGUs), na kunan ng larawan at idokumento ang lahat ng flood control projects upang madaling matukoy kung may mga proyektong hindi talaga naipatupad.

Iginiit din niya na kung may mapatutunayang ghost projects, dapat managot ang mga responsable anuman ang kanilang posisyon sa gobyerno.

Binigyang-diin pa ni Cayetano na ang umano’y pagtutok ni Lacson sa Taguig ay dapat ding ipantay sa pagsisiyasat sa iba pang lokal na pamahalaan na nakararanas ng malalaking problema sa pagbaha.

Aniya, dapat ding busisiin ang mga flood control projects sa iba pang lungsod at lalawigan upang matiyak na walang pinipiling lugar o personalidad ang mga imbestigasyon.

Nauna nang inakusahan ni Lacson si Cayetano ng pagkakaroon umano ng ghost projects sa Taguig, kasabay ng umiinit nilang palitan ng pahayag kaugnay ng isyu ng flood control at ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.