-- Advertisements --

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang batas na nagtatakda ng government-funded voucher program para sa mga estudyanteng Pilipino mula kindergarten hanggang senior high school.

Layunin nitong mapalawak ang access sa de-kalidad na edukasyon sa mga pribadong paaralan at mabawasan ang congestion o pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Nilagdaan noong November 12 ang Republic Act 12327 o ang Basic Education Voucher Assistance Act.

Saklaw ng batas na ito ang mga pribadong paaralang tumatanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno sa pamamagitan ng mga voucher para sa mga kwalipikadong estudyante, subsidiya para sa mga guro at iba pang uri ng tulong sa mga paaralan.

Palalawakin din nito ang tulong pinansyal para sa mga estudyanteng Pilipino mula sa mga pamilyang kabilang sa middle-middle-income bracket pababa.

Bibigyang-prayoridad ang mga mag-aaral na pumapasok sa mga pampublikong paaralang siksikan, partikular sa mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan o mga institusyong nag-aalok ng mga asignatura at elective na angkop sa napili nilang academic track sa senior high school.

Ayon sa DepEd, magbibigay ito ng mas mataas na subsidiya sa mga pamilyang may mababang kita, habang titiyakin na mananatiling benepisyaryo ang mga kasalukuyang tumatanggap ng tulong sa ilalim ng Educational Service Contracting Scheme at Senior High School Voucher Program hanggang sa matapos nila ang kanilang basic education.