-- Advertisements --
Posible pa rin umanong mabuo at mapirmahan ang Code of Conduct (COC) sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China ukol sa pinag-aagawang karagatan kahit hindi na ang Pilipinas ang tagapangulo ng regional bloc sa mga susunod na taon.
Ayon kay political analyst Professor Antonio Contreras, hindi nakadepende sa kung aling bansa ang host ng ASEAN Summit ang pag-usad ng negosasyon sa disputed waters.
Paliwanag niya, bagama’t nagkaroon ng dagdag na tulak o “extra push” ang usapin ngayong taon, nasa kamay pa rin ng lahat ng 11 miyembrong bansa ng ASEAN ang pagpapasya kung paano ito patuloy na isusulong sa mga susunod na pagpupulong.
Gayunman, iginiit ni Contreras na nagiging masalimuot ang pag-abot sa kasunduan kapag pumapasok na ang usapin sa China, lalo na’t isinasaalang-alang ng ibang kasaping bansa ang kanilang ugnayang pang-ekonomiya rito.
Dagdag pa ng eksperto, malaking hamon sa ASEAN ang umiiral na patakaran nito sa pagdedesisyon na nakabatay sa “consensus building” at hindi sa simpleng boto ng nakararami o majority decision.
Dahil dito, kinakailangang sumang-ayon ang lahat ng miyembro bago magkaroon ng pinal na kasunduan, at kung may tumutol na kahit isang bansa ay hindi agad ito maisusulong.
Sa kabila ng mga hamong ito, patuloy ang negosasyon sa COC na kamakailan ay umusad na sa humigit-kumulang 80 porsyento mula sa dating 50 porsyento matapos mapagkasunduan ng ASEAN at China ang mga hakbang upang mas mapabilis ang pagtatapos nito.














