-- Advertisements --

Nanawagan ang Human Rights Watch (HRW) sa mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dagdagan ang pressure sa militar ng Myanmar upang itigil ang mga pag-atake sa mga sibilyan, alisin ang mga restriksiyon sa humanitarian aid at simulan ang makabuluhang pag-uusap para sa pagbabalik sa pamamahalang sibilyan.

Sa liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 5, hinimok din ng grupo ang ASEAN na huwag kilalanin o suportahan ang umano’y huwad na halalan sa Myanmar na nagresulta sa pag-upo ni junta leader Min Aung Hlaing bilang pangulo. Kinumpirma naman ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi dadalo si Hlaing sa mga summit sa Nobyembre 15 hanggang 17.

Ayon sa HRW, mahigit 32,000 katao na ang inaresto dahil sa pagtutol sa pamumunong militar, habang hindi bababa sa 2,300 ang umano’y namatay habang nasa kustodiya. Mahigit 6,600 sa mga dinakip ay kababaihan, na ilan umano ay nakaranas ng sexual violence at kawalan ng sapat na serbisyong medikal.

Dagdag pa ng grupo, mahigit apat na milyong katao ang lumikas sa loob ng Myanmar dahil sa kaguluhan at nahaharap sa kakulangan ng pagkain, malinis na tubig at serbisyong pangkalusugan. Umaasa ang HRW na gagamitin ng ASEAN ang mga pagpupulong nito kasama ang mga partner countries upang igiit sa junta ang pagwawakas sa mga pang-aabuso at krisis makatao.