-- Advertisements --

Nagpaalala si Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero sa mga senator-judge at abogado ng magkabilang panig na panatilihin ang paggalang at pagiging patas sa pagtrato sa mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa pagbubukas ng ika-43 araw ng paglilitis nitong Huwebes, Nobyembre 12, binigyang-diin ni Escudero na hindi sapat na dahilan para patawan ng contempt ang isang testigo ang hindi pagkasiya ng mga nagtatanong sa kaniyang mga sagot.

Ayon sa presiding officer, may karapatan pa rin ang mga testigo na maprotektahan laban sa mga hindi angkop, walang kaugnayan o mapanlait na tanong, gayundin sa anumang hindi makatarungang pagtrato habang sila ay sumasailalim sa pagtatanong.

Ipinunto rin niya na bagama’t obligasyon ng mga testigo na magsabi ng totoo at sagutin ang mga tanong sa impeachment court, dapat ding tiyakin na hindi sila natatakot o naiintimidate sa paraan ng pagtatanong.

“An answer which may be unsatisfactory is not inherently contemptible,” ani Escudero, na nagpaliwanag na dapat gamitin nang may lubos na pag-iingat ang kapangyarihan ng impeachment court na mag-contempt.

Inamin din ng presiding officer na maaaring makasubok ng pasensya ang paulit-ulit na pagsagot ng mga testigo ng “I do not know” o “I do not recall,” lalo na kung hindi nila matandaan ang mga detalyeng itinatanong sa kanila.

Matatandaang nagpahayag noon si Escudero na nauubos na ang kaniyang pasensya matapos paulit-ulit na hindi maalala ni defense witness at Davao City accountant Vingelin Bajan ang ilang detalye tungkol sa mga dokumento at transaksiyong itinatanong sa kaniya.

Samantala, iminungkahi ni Senator-Judge Panfilo Lacson na ipamahagi sa pamamagitan ng sulat ang paalala ni Escudero upang matiyak na mababatid ito ng lahat ng miyembro ng impeachment court. Pumayag naman ang presiding officer na maisama ito sa opisyal na transcript ng paglilitis.