-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Korte Suprema ang pagpaslang kay Presiding Judge Joseph M. Wee Sit ng Branch 2, Regional Trial Court sa Isabela City, Basilan matapos siyang pagbabarilin sa Tumaga-Putik Road, Barangay Tumaga, Zamboanga City nitong Nobyembre 12, 2026.

Sa isang opisyal na pahayag ngayong Huwebes, nagpaabot ng pakikiramay ang Kataas-taasang Hukuman sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kasamahan ng nasawing mahistrado.

Inatasan na ni Chief Justice Rodil V. Zalameda ang Office of the Court Administrator, sa pamamagitan ng Regional Court Manager at Executive Judge, na personal na makipag-ugnayan sa pamilya ni Judge Wee Sit upang tiyakin ang agarang tulong-pinansyal at iba pang suporta mula sa Hudikatura.

Kasabay nito, mahigpit nang nakikipagtulungan ang Korte Suprema sa mga alagad ng batas sa pamamagitan ng Office of the Judiciary Marshals upang imbestigahan ang krimen at matukoy ang mga salarin, bagama’t hindi pa maaaring isapubliko ang detalye ng imbestigasyon para sa seguridad ng kaso.

Si Judge Wee Sit, na isinilang noong Nobyembre 21, 1987 sa Zamboanga City at nagtapos ng abogasya sa Western Mindanao State University, ay naging ganap na abogado noong 2015 at nagsilbi bilang prosecutor at public attorney bago naitalaga sa Hudikatura noong Setyembre 23, 2025.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang anumang pag-atake laban sa mga hukom ay hindi lamang banta sa kanilang personal na kaligtasan kundi pati na rin sa malaya, patas, at independyenteng paghahatid ng hustisya sa bansa.

Tiniyak ng Mataas na Hukuman ang patuloy nitong paninindigan upang protektahan ang mga hukom at kawani ng korte habang nakikiisa sa lahat ng miyembro ng Hudikatura na patuloy na naglilingkod sa publiko sa kabila ng panganib sa kanilang propesyon.