Pormal nang naghain ng mga reklamong perjury sa Prosecutor’s Office ng Marikina City ang international visual artist at Philippine Navy Goodwill Ambassador for Culture and Arts na si Kristine Soguilon-Lim, kasama ang kaniyang business partner na si Ma. Faye Manzon, laban kay Elpidio Mijares Jugalbot III, na kilala rin sa mga alyas na “Elpi” at “Ylphy”, pati na sa iba pang mga kaugnay na indibidwal.
Ayon sa panig ng mga nagrereklamo, ang panibagong legal na hakbang na ito ay karagdagan lamang sa mga nauna na nilang isinampang demanda laban sa kaparehong kampo kaugnay ng umano’y paglabag sa Mental Health Act, Safe Spaces Act, unjust vexation, at cyber libel.
Ipinaliwanag ng legal counsel ng mga complainant na si Atty. Hazel Chinjen-Luna na nag-ugat ang mga panibagong kaso ng perjury sa mga pormal na pahayag ng itinuturong panig na may kaugnayan sa umano’y isinagawang online campaign laban kina Soguilon-Lim at Manzon.
Nabatid na nagsimula ang kontrobersya at ang sinasabing online campaign matapos pormal na bawiin ng dalawang negosyante ang kanilang mga investment sa mga negosyong inuugnay kay Jugalbot, kabilang na ang Elpi, Elpi Vellychon, at Herbiv.
Binigyang-diin ng kaniyang legal counsel ang layunin ng kanilang mga hakbang sa hukuman upang tuluyang matuldukan ang paninira sa kaniyang mga kliyente: “Ginagawa namin ang lahat ng kinakailangang legal na hakbang upang protektahan ang reputasyon at integridad ng aking mga kliyente laban sa mga pinaninindigan naming maling akusasyon at malisyosong online campaigns,” ayon kay Atty. Chinjen-Luna.














