-- Advertisements --

Naniniwala si Ateneo de Manila University law professor, Atty. Lulu Reyes na maaari nang i-cite for contempt ang testigo ng Defense team ni VP Sara Duterte.

Maalalang simula November 9 ay nag-umpisa na ang legal team ni VP Sara na magpresenta ng kanilang mga sariling testigo upang kontrahin ang mga alegasyon ng House Prosecution panel na mayroong mga hindi naideklarang kayamanan si VP Sara.

Binalikan ng abogado ang huling testigo ng panel kahapon, Nov. 10, na si Davao City Accountant Vinjelin Bajan.

Aniya, noong defense counsel ang nagtatanong sa kaniya ay ‘very confident at siguradong-sigurado’ siya sa kaniyang mga kasagutan.

Gayonpaman, noong mga abogado na ng prosekusyon ang nagtatanong, kasama ang mga senator-judge, mistulang hindi na niya maaalala ang maraming mga bagay, kasama ang mismo niyang pirma.

Inihalimbawa din ng abogado ang mismong employment history ni Bajan na mistulang nakalimutan na rin umano niya dahil sa hindi agad masagot ang mga katanungan sa kaniya ukol dito.

Giit ng abogado, maaari na sanang i-cite for contempt ang testigo ng naturang panel dahil sa umano’y pag-uugali nitong tila pinagtatawanan o binabalewala ang impeachment proceedings at ayaw sumagot sa mga tanong.

Ang ipinakita ng Davao City Accountant, ayon kay Atty. Reyes, ay hindi lamang basta pagkalimot kundi nagpapakita ng umano’y pag-iwas na sabihin ang katotohanan.