-- Advertisements --

Sinisiyasat na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga ulat tungkol sa posibleng data breach sa isang sistema na naglalaman ng personal na impormasyon ng mga residente sa mga barangay.

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng DILG na nakatanggap ito ng mga ulat hinggil sa posibleng paglabag sa seguridad ng Local Government Unit Support System–Barangay Information Management System (LGUSS-BIMS), kung saan nakatala ang Records of Barangay Inhabitants. 

Ayon sa kagawaran, nagsimula na ang imbestigasyon upang matukoy kung may nakompromisong impormasyon at kung gaano kalawak ang posibleng paglabag. 

Nakipag-ugnayan na rin ang DILG sa National Privacy Commission (NPC) at nagsagawa ng mga paunang hakbang para maprotektahan ang personal na datos at mapalakas ang seguridad ng sistema.

Tiniyak ng kagawaran na magsasagawa ito ng kaukulang aksyon kapag nakumpleto na ang beripikasyon at batay sa mga umiiral na batas.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung may aktuwal na nakuhang o kumalat na personal na impormasyon mula sa naturang sistema.

Binigyang-diin naman ng DILG na seryoso nitong tinututukan ang pangangalaga sa personal na datos ng publiko.