-- Advertisements --

Umaasa pa rin si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima na magbabago ang isip ni Naga City Mayor Leni Robredo at muling ikonsidera ang pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2028 national elections.

Ito ay kasunod ng panibagong pagtiyak ni Robredo na hindi na siya tatakbo sa anumang pambansang posisyon, kabilang ang pagkapangulo, sa kabila ng patuloy na panawagan ng kanyang mga dating kaalyado at tagasuporta na muling sumabak sa national politics.

Sa kanyang pahayag, inilarawan ni De Lima bilang nakapanghihinayang ang tila pagiging pinal ng desisyon ni Robredo.

Gayunman, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mambabatas na maaari pang magbago ang isip ng alkalde, bagama’t igagalang nila umano anuman ang maging pinal nitong pasya.

AV1 – Kaugnay niyan ating pakinggan at panoorin si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima

Personal namang naniniwala si De Lima na kailangan ng bansa ang isang lider na tulad ni Robredo, lalo na sa gitna ng mga problemang kinakaharap ng Pilipinas at ng mga hamon sa kasalukuyang political climate.

Binigyang-diin niya ang napatunayan nang kakayahan at integridad ng dating bise presidente, gayundin ang dedikasyon nito sa pagsusulong ng mabuting pamamahala.

Para kay De Lima, mahalaga ang pagkakaroon ng lider na may ganitong mga katangian sa panahong nangangailangan ang bansa ng maayos at mapagkakatiwalaang pamumuno.

Dahil dito, sinabi niyang hindi pa niya kayang tanggapin na tuluyan nang isinara ni Robredo ang posibilidad ng muling pagtakbo sa pambansang posisyon.

Matatandaang nitong Lunes, Nobyembre 9, muling iginiit ni Robredo na wala na talaga siyang planong tumakbo sa 2028 presidential elections.

Ayon sa alkalde, matagal na umano niyang napagdesisyunan na hindi na babalik sa national government matapos niyang piliing tumakbo bilang mayor ng Naga City noong 2025.

Ipinaliwanag din ni Robredo na nagmula ang kanyang desisyon sa personal na pagsusuri sa kanyang kakayahan at mga limitasyon, lalo na sa pagharap sa masalimuot na politika sa pambansang antas.

Sa halip na muling tumakbo, bukas naman umano siya sa pagsuporta sa iba pang kandidato na sa tingin niya ay may kakayahan at karapat-dapat na mamuno sa bansa.