Opisyal na humarap bilang unang testigo ng depensa si Davao City Assessor Engr. Jaime G. Adalin sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, Nobyembre 9, 2026.
Ipinresenta ni defense counsel Atty. Lindon Miguel Bacquel si Adalin upang patunayan na ang ari-ariang sakop ng isang Transfer Certificate of Title (TCT) ay maayos na idineklara ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Gayunman, agad na kinuwestiyon ni prosecution counsel Atty. Benjamin Tolosa Jr. ang layunin ng depensa at iginiit na hindi kayang patunayan ng testigo na ang ari-arian sa SALN ay kapareho ng nasa TCT dahil sa nakikitang “glaring discrepancy” partikular sa acquisition value nito, bukod sa pag-tutol sa ilang offer of testimony na aniya’y “improper” at “misleading.”
Sa gitna ng paglilitis, hiniling ni Atty. Bacquel ang panandaliang suspensyon ng trial upang masuri ang mga karagdagang dokumentong dala ng testigo.
“With due respect, your honor, if we can also be given a few minutes to examine and peruse the documents?” apela ni Bacquel kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero matapos nitong alamin kung may kopya na ang depensa, kung saan sinagot ng abogado na “We have copies of the tax declaration, your honor, but to ensure and to examine the other documents that have been brought by the witness, which we may not have any copy, your honor,” na agad namang pinagbigyan ng hukuman sa pamamagitan ng tatlong minutong recess.
Bago ang maikling interruption, kinumpirma rin ni Adalin sa pamamagitan ng kaniyang dalang Administrative District Index Map na ang Barangay Matina Crossing at Barangay 74-A ay iisang lugar lamang sa lungsod ng Davao matapos ideklara ni Escudero na pumapayag naman ang prosekusyon na mag-stipulate ukol sa naturang usapin.















