-- Advertisements --

Pito ang naitalang patay habang higit 100 naman ang sugatan sa banggaan ng dalawang tren sa lungsod ng Giza sa Egypt nitong Linggo, Nobyembre 8.

Kabilang din sa mga nasawi ang nagmamaneho ng isa sa mga tren, pagkukumpirma ng health ministry ng bansa.

Ayon sa awtoridad, nangyari ang insidente nang magsalpukan ang dalawang tren tungong timog mula Giza at Cairo at madiskaril ang ilang bagon nito at mahulog sa embankment.

Ipinag-utos naman ni Egyptian President Adbul Fattah al-Sisi aniya ang mga awtoridad na imbestigahan ang naturang insidente at tukuyin kung sino ang dapat managot dito.

Isinailalim na rin sa heightened alert ang mga kalapit na ospital sa pinangyarihan ng banggaan matapos masaksihan ang pagdagsa ng mga pasyente rito.

Dagdag pa ng awtoridad, mataas din ang posibilidad na tumaas ang bilang ng mga nasawi.

Nakikibahagi na rin ang Egyptian Red Crescent, isang Cairo-based humanitarian organization, sa pag-alalay sa mga sugatan sa pamamagitan ng pamamahagi ng paunang lunas at psychological support sa mga biktima ng insidente at mga pamilya nito.

Isinuspinde naman ang operasyon ng linya ng tren sa pagitan ng Giza at Upper Egypt habang isinasagawa ang clearing operations upang alisin ang nakahambalang na mga tren bagama’t hindi pa tukoy ng pamahalaan kung kailan ito matatapos.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang ilang mga kalapit estado ng bansa tulad ng ministry of foreign affairs ng Saudi Arabia at ang embahada ng Turkey sa Egypt.