Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver at operator ng isang pampasaherong bus matapos masawi ang isang pedestrian na tinamaan ng natanggal na takip ng makina ng bus sa Atimonan, Quezon.
Nangyari ang insidente bandang alas-5 ng umaga noong Nobyembre 5, 2026, sa Maharlika Highway, Barangay Tagbakin, natanggal ang takip ng makina habang umaandar ang bus at tumama sa pedestrian na naghihintay ng masasakyan patungong Maynila. Isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ipinag-utos ng LTO ang 90-araw na suspensyon ng lisensya ng driver, inatasan din ang driver at operator na humarap sa LTO Central Office sa Nobyembre 13 upang magpaliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag sa batas at regulasyon sa transportasyon.
Nahaharap ang driver sa kasong Reckless Driving, habang ang operator naman ay posibleng managot sa Employing a Reckless Driver at Breach of Franchise Conditions.













