-- Advertisements --

Mahigit 40 pilot whales ang naitalang nasawi matapos ma-stranded sa isang pampang sa New Zealand nitong Huwebes.

Namataan ang lupon ng mga pilot whale sa Ngawi coast malapit sa Cape Palliser sa North Island, New Zealand, ayon sa pahayag ng Department of Conservation (DOC) ng bansa.

Sa inisyal na ulat ng Project Jonah New Zealand, isang environmental organization, higit 20 na balyena ang naunang ma-stranded sa pampang kung saan buhay pa ang apat sa mga ito.

Dagdag pa ng organisasyon, nakikipag-ugnayan na rin ito sa mga ahensiya ng gobyerno ng New Zealand, maging sa lokal na tribo ng Māori, upang magsagawa ng paglilikas sa buhay pang mga balyena sa pampang at pagsusuri sa kalusugan ng mga ito.

Subalit nitong nagdaang Biyernes, tumambad sa DOC ang 43 patay na balyena sa kilometrong kahabaan ng baybayinng Ngawi hanggang baybayin ng Mangatoetoe.

Batay sa DOC, madalas ma-stranded sa pampang ang nasabing uri ng balyena ngunit anila’y hindi pa malinaw ang tunay na sanhi nito.