-- Advertisements --

Nabigo ang Gilas Pilipinas na maipanalo ang kanilang laban kontra New Zealand sa third window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Qualifiers na ginanap sa Spark Arena, Auckland ngayong Biyernes, Hulyo 3, oras sa Pilipinas.

Umabot sa double overtime ang bakbakan matapos magtabla ang score sa 93-93 sa unang overtime. Sa huli, tuluyang nanaig ang New Zealand sa iskor na 106-102.

Hinabol ng New Zealand ang 1-point lead ng Pilipinas sa ikatlong quarter at itinabla ang score sa 83 sa pagtatapos ng ika-apat na quarter. Sa unang overtime, gitgitan pa rin ang laban hanggang sa nauwi ito sa 93-all.

Pagpasok ng second overtime, nakalamang ang New Zealand sa unang dalawang minuto ngunit mabilis itong hinabol ng Gilas at nakaposte ng 97-96.

Dalawang minuto bago matapos, naiangat pa ng Pilipinas ang kalamangan sa apat na puntos, 100-96, sa tulong ng clutch shots ni Justin Brownlee.

Gayunman, mabilis itong nabura ng New Zealand na muling nakapantay sa 100-all isang minuto bago matapos.

Sa huling bahagi ng laro, hindi na nakabawi ang Gilas dahil sa sunod-sunod na foul calls at isang inbound mistake, dahilan upang tuluyang makuha ng New Zealand ang panalo.

Sa kabila ng pagkatalo, ipinakita ng Gilas ang matinding determinasyon at laban hanggang sa dulo, ngunit hindi sapat upang makuha ang panalo sa double overtime thriller.