-- Advertisements --

Binigyang-diin ng mga lider ng Kamara ang pangangailangang panatilihin at palakasin ang party-list system sa pamamagitan ng mga reporma upang matiyak ang tunay na representasyon ng mga sektor na marginalized at kulang sa boses sa Kongreso.

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi dapat pag-usapan ang pagbuwag sa party-list system dahil malinaw na nakasaad sa Konstitusyon ang layunin nitong mabigyan ng representasyon ang iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sinabi naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na layunin ng House Bill 9906 na magtakda ng malinaw na pamantayan upang matukoy kung tunay na kinakatawan ng isang party-list organization ang sektor na kanilang ipinaglalaban.

Sa ilalim ng panukala, hahatiin sa tatlong kategorya ang mga party-list organization gaya ng advocacy, sectoral at regional.

Ayon naman kay ACT-Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, magtatakda rin ang panukala ng mga kwalipikasyon para sa mga indibidwal na nais kumatawan sa isang partikular na sektor, kabilang ang kanilang karanasan at mga nagawa para rito.

Samantala, sinabi ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos na mahalaga ang mga pampublikong konsultasyon upang matukoy ang mga problema sa kasalukuyang sistema at makabuo ng angkop na reporma.

Nagsagawa na ng unang konsultasyon sa Butuan City at nakatakda pang magsagawa ng kahalintulad na pagpupulong sa Iloilo City at Metro Manila upang makuha ang pananaw ng iba pang sektor.

Kabilang ang reporma sa party-list system sa mga prayoridad na panukalang batas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).