Nagpaalam na sa mga kasamahang Mahistrado, Opisyal, at kawani ng Kataas-taasang Hukuman si outgoing Chief Justice Alexander Gesmundo.
Ito’y nang daluhan ng punong mahistrado ang huli niyang ‘flag ceremony’ sa Korte Suprema kung saan ipinaabot ang kanyang mensahe.
Kanyang pinasalamatan ang lahat ng mga nakasama sa paglilingkod, lalo na ang dedikasyon at sakripisyo sa Hudikatura at sambayanang Pilipino.
Habang hindi naman kinalimutan banggitin ng opisyal ang ilang mga pagsubok na pinagdaanan katulad ng pandemya.
Batid aniya na maraming kinailangan isakripisyo, at mag-angkop ngunit sa kabila nito’y nagpatuloy pa rin bilang isang institusyon.
Ibinida ni Chief Justice Gesmundo ang mga repormang naipatupad, at bagong programang nakatulong para mapahusay at gawing mas moderno ang mga hukuman.
Sa pagkilala ng 41-taon niyang paglilingkod o serbisyo sa gobyerno, binigyan siya ‘certificate of appreciation’ ng Korte Suprema.
Binigyan pagkilala din siya ng mga empleyado ng hukuman para sa iiwan nitong legasiya na pagsuporta at paniniwala sa kakayahan ng mga kawani ng Korte Suprema.
Kaya’t panghuli’y inihayag ni Chief Justice Gesmundo na isang karangalan panghabambuhay ang makapaglingkod sa Korte Suprema.
Nakatakdang magretiro na bukas si CJ Gesmundo, ika-6 ng Nobyembre sa edad na 70-taon gulang.















