Arestado ang isang 41-anyos na lalaki na itinuturong responsable sa pananaksak na ikinasawi ng isang 30-anyos na housekeeping staff sa Barangay San Isidro, Parañaque City.
Nadakip ang suspek noong Nobyembre 2, 2026, sa isinagawang hot pursuit operation ng Southern Police District (SPD), sa tulong ng tatlong barangay tanod.
Naganap ang insidente noong Nobyembre 1. Agad na nagsagawa ng imbestigasyon at follow-up operations ang mga tauhan ng San Dionisio Police Sub-Station upang matukoy ang nasa likod ng krimen.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na bigla umanong inatake ang biktima, dahilan upang hindi ito makapaghanda o ipaglaban ang sarili.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang reklamo. Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibilidad na may treachery sa insidente, na maaaring maging batayan sa pagsasampa ng kasong Murder.
















