-- Advertisements --

Nagpahayag ng pakikiramay at suporta ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia sa mga pet owner na nadamay sa umano’y panloloko ng isang pet crematorium matapos matagpuan sa Bulacan ang mga labi ng mga aso at pusa na ipinagkatiwala sa naturang establisimyento para sa cremation.

Sa pahayag ng grupo, hindi dapat ituring na basta-bastang bagay ang mga hayop, at hindi rin dapat pagkakitaan ang kanilang pagkamatay.

Ayon sa PETA Asia, ipinagkakatiwala ng mga pet owner sa mga after-death service provider ang labi ng kanilang mga alaga sa pag-asang bibigyan ang mga ito ng maayos at makataong pagtrato.

Giit ng grupo, nararapat lamang na tratuhin nang may dignidad, malasakit, at paggalang ang mga hayop, kahit pa sila ay namayapa na.

Kasabay nito, nanindigan ang PETA Asia sa panawagan ng mga apektadong pet owner para sa katarungan at pananagutan ng mga dapat managot sa insidente.