-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Kiko Pangilinan na panagutin ang mga umano’y nanloko sa mga pet owner na nagbayad para sa cremation ng kanilang mga namayapang alaga.

Sa pahayag ni Pangilinan, hindi katanggap-tanggap ang pagkakitaan ang pagdadalamhati ng mga pet owner na nais lamang mabigyan ng maayos at marangal na huling hantungan ang kanilang mga alaga.

Matatandaang natagpuan ang mga labi ng 29 na aso at pusa sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, sa halip na i-cremate gaya ng ipinangakong serbisyo ng isang pet crematorium sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay Pangilinan, maaaring lumabag sa Ecological Solid Waste Management Act ang umano’y pagtatapon sa mga labi ng hayop. Maaari ring pumasok ang kasong estafa kung mapatutunayang nanloko ang mga may-ari ng crematorium.

Giit ng senador, kailangang mapanagot ang mga responsable batay sa ebidensiya at tamang proseso ng batas.