Nanawagan si Senador Kiko Pangilinan ng agarang imbestigasyon at pananagutan kaugnay ng umano’y pagtatapon sa 29 labi ng mga alagang hayop sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, sa halip na isailalim sa ipinangakong cremation.
Kinondena ni Pangilinan ang umano’y panlilinlang sa mga pet owner na nagbayad para sa maayos at marangal na huling hantungan ng kanilang mga alaga.
Hinimok din niya ang mga awtoridad na imbestigahan ang insidente at panagutin ang mga responsable kung mapatutunayang may paglabag.
Samantala, isinusulong ng senador ang Senate Bill No. 2501 o Dolly’s Act upang palakasin ang proteksyon at kapakanan ng mga hayop, kabilang ang regulasyon sa mga pasilidad tulad ng pet crematorium.
Ayon sa senador, nararapat lamang na mabigyan ng maayos at marangal na huling hantungan ang mga alagang hayop, bilang paggalang sa pagmamahal at tiwalang ibinigay sa kanila ng kanilang mga pamilya.













