Aabot sa 325 katao ang inaresto ng mga pulis sa London matapos lumahok sa isang demonstrasyon bilang suporta sa Palestine Action, isang grupong ipinagbawal sa ilalim ng batas kontra terorismo sa United Kingdom.
Naganap ang protesta noong Sabado sa labas ng United States Embassy sa Nine Elms, kung saan nagtipon ang daan-daang demonstrador na may dalang mga plakard na nagpapahayag ng suporta sa Palestine Action at pagtutol sa umano’y genocide sa Palestine.
Ayon sa Metropolitan Police, 320 sa mga naaresto ang pinaghihinalaang lumabag sa Terrorism Act dahil sa pagpapahayag ng suporta sa isang ipinagbabawal na organisasyon.
Dahil dito, umabot na sa mahigit 4,000 ang kabuuang bilang ng mga pag-aresto na may kaugnayan sa Palestine Action mula nang ipagbawal ang grupo noong Hulyo 2025.
Samantala, nakatakdang dinggin ng UK Supreme Court ang apela laban sa pagbabawal sa grupo. Binatikos naman ng ilang organisasyon ng karapatang pantao ang mga pag-aresto at iginiit ang pangangalaga sa kalayaan sa pagpapahayag at karapatang magprotesta.















