Itinutulak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang agarang pagpasa ng panukalang batas na magtatatag ng sistema sa pangongolekta, pagre-recycle at tamang pagtatapon ng mga sirang electronic device upang maiwasan ang panganib nito sa kalusugan at kapaligiran.
Sa ilalim ng House Bill 11462 o National E-Waste Management Act, layong magpatupad ng malinaw na patakaran sa pagtatapon ng mga electronic waste o e-waste tulad ng lumang cellphone, computer, appliances, powerbank, USB cable at iba pang electronic gadgets.
Ayon kay Yamsuan, maaaring makontamina ng mga mapanganib na kemikal tulad ng lead, mercury at cadmium ang hangin, lupa at tubig kapag hindi maayos ang pagtatapon ng mga kagamitang ito. Aniya, kailangang magkaroon ng komprehensibong sistema bago pa lumala ang problema kasabay ng mabilis na pagpapalit ng mga electronic device.
Sa nasabing panukala, pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad ng mga patakaran sa paghihiwalay, pangongolekta, pagdadala, pagre-recycle at pagtatapon ng e-waste.
Inaatasan din ang mga manufacturer, brand owner at importer na tumulong sa pagbawi at ligtas na pagre-recycle o pagtatapon ng kanilang mga produkto.
Inaatasan din ang mga lokal na pamahalaan na maglaan ng collection points para sa e-waste at magsagawa ng information campaign tungkol sa tamang pagtatapon nito. Kabilang din sa panukala ang pagsasanay at pagbibigay ng safety equipment sa mga junk shop operator at iba pang manggagawa sa impormal na recycling sector.
Batay sa pag-aaral, umabot sa tinatayang 537,000 tonelada ang e-waste na nalikha sa Pilipinas noong 2022, dahilan upang mapabilang ang bansa sa mga may pinakamalaking produksyon nito sa Southeast Asia, ayon sa Global E-Waste Monitor 2024 ng United Nations.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay ng insentibo sa mga kumpanyang rehistrado at pasilidad na awtorisadong magproseso ng e-waste. Mga kumpanyang lalabag sa batas mahaharap sa pagmumulta mula P10,000 hanggang P2 milyon, bukod pa sa posibleng community service, suspensyon ng business permit at pagkakakulong ng dalawa hanggang anim na taon, depende sa bigat ng paglabag.













