-- Advertisements --

Agad na ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa Maritime Industry Authority (MARINA) ang pagsuspinde sa Passenger Ship Safety Certificate ng MV Virgen de Peñafrancia II matapos itong tumagilid malapit sa Real Port sa Quezon, madaling araw ngayong Biyernes.

Dahil dito, hindi muna papayagang maglayag ang naturang barko hangga’t hindi ito sumasailalim at nakapapasa sa masusing safety inspection ng MARINA.

Matatandaang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 40 pasahero at 18 tripulante ng barko, kabilang ang dalawang sanggol. Ligtas namang nailikas ang lahat ng 58 indibidwal at walang naiulat na nasaktan.

Tiniyak naman ng DOTr na hindi nito kukunsintihin ang anumang paglabag sa maritime safety regulations na maaaring maglagay sa buhay ng mga pasahero sa panganib.