-- Advertisements --

Isang pambansang pagpupulong ng National Security Council ang ipinatawag sa Moldova kasunod ng malawakang cyberattack na tumama sa mga information system ng kanilang pamahalaan.

Ayon sa Electronic Government Agency (AGE), naganap ang naturang cyberattack mula Oktubre 19 hanggang 23 kung saan tinayang 750,000 data sets ng humigit-kumulang isang milyong personal ID numbers ang nanakaw.

Pormal na tinanggal sa pwesto ni Prime Minister Vasile Tofan ang direktor ng AGE na si Nicoleta Colomeet kasabay ng pag-atas na palakasin ang seguridad sa mga digital services ng bansa.

Isiniwalat ni Tofan na may mga indikasyong sangkot ang ilang foreign state actors sa naganap na insidente at kasalukuyan na itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Kabilang sa mga nakuhang impormasyon sa pagnanakaw ng datos ang mga pangalan, kaarawan, insurance status, medical records, at financial details kabilang ang mga IBAN account.

Nagbabala naman ang mga eksperto na ang pangunahing panganib ng naturang pagkakalantad ng datos ay ang posibleng paggamit dito sa mga online fraud at manipulation.