Tatlong weather system ang inaasahang magdadala ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa panahon ng Undas mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2026, ayon sa PAGASA.
Kabilang sa mga nakakaapekto sa panahon ay ang Northeast Monsoon o Amihan, ang shear line, at ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na magdudulot ng mga pag-ulan at thunderstorms.
Sa Biyernes, Oktubre 30, magdadala ang Amihan ng maulap na papawirin na may mahihinang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, at Ilocos Norte.
Samantala, magdudulot naman ang shear line ng mga pag-ulan sa Isabela, Aurora, at Quezon, habang ang ITCZ ay magdadala ng pag-ulan at thunderstorms sa Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Southern Leyte, Negros Oriental, at Siquijor.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, maaasahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may hiwa-hiwalay na pag-ulan lalo na sa hapon o gabi.
Pinapayuhan ng weather bureau ang publiko at ang mga biyahero para sa Undas na patuloy na mag-abang sa mga weather update at maging alerto sa biglaang pagbabago ng panahon.














