-- Advertisements --

Posibleng dadagsa sa mga pantalan ngayong lingo ang hanggang 1.93 million na pasahero.

Ito ay kasabay ng inaasahang Undas exodus o pag-uwi ng mga biyahero at mga bakasyunista sa mga probinsiya mula sa Metro Manila atbpang malalaking syudad.

Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) Spokesperson Eunice Samonte, ang naturang datus ay nakabatay sa dating bilang ng mga dumadagsa sa mga pantalan sa mga nakalipas na taon, at sa inaasahang maidadagdag ngayong taon.

Gayonpaman, hindi rin inaalis ng PPA ang posibilidad na hindi maabot ang tinatayang bilang dahil sa taas ng presyo ng gasolina at bilihin na posibleng maka-discourage sa marami, na bumiyahe pa patungong probinsiya.

Posible aniyang simula bukas, October 29, mag-uumpisa na ang pagdami ng magsisiuwiang pasahero at magdadagsaan na sa mga pantalan.

Pinaalalahanan naman ng ahensiya ang publiko na bantayan ang abiso ng mga shipping line para sa magiging biyahe, kasama ang maagang pagtutungo sa mga pantalan.

Kabilang sa inaasahang dadagsaain ng libu-libong pasahero ang Batangas Port, Manila North Harbor (Northport), Manila South Harbor, atbpa.